《The Present Series 5: If Only (COMPLETED)》Chapter 3

Advertisement

"HI! PWEDE ba akong magpaayos ng kotse sa pinakamagaling at pinakagwapong may-ari ng talyer na ito?" nangingiting tanong ni Demi habang ipinatong ang kamay sa bumper ng kotse.

Nakita niyang lumabas mula sa ilalim ng inaayusang kotse si Akeem. At tumambad sa kanya ang gwapong mukha nito. Napalunok siya ng mariin ng lantarang makita ang maganda nitong katawan habang walang suot na pang-itaas at tumutulo pa ang pawis. May mga grasa pa na nagkalat sa dibdib at bandang tiyan nito. Namumutok ang mga muscles nito sa braso. At ang ganda-ganda ng six-pack abs nito. Na parang ang sarap haplusin. Sinaway niya ang sarili, kung ano-ano ang iniisip niya.

"Demi! Ano'ng ginagawa mo rito?" takang tanong nito habang inabot ang isang bimpo at pinunasan ang mga kamay nitong may grasa.

Napakagwapo pa rin nito kahit ang dungis-dungis. And damn, he's so hot and sexy. Napansin niyang may bahid ng grasa sa kaliwang pisngi nito. Hindi niya napigilan ang sarili at lumapit siya rito. Kusang umangat ang isang kamay niya pinahid ang grasa sa pisngi nito.

Napakalambot at ang kinis ng mukha nito. Nakita niyang natigilan si Akeem sa kanyang ginawa. Ganoon din siya. Nagtama ang kanilang mga mata. His eyes are twinkling at her. She can't control her heart that suddenly beat so fast and hard. Hindi niya alam kung saan siya humugot ng lakas para gawin iyon.

Parang nahimasmasan at mabilis siyang humiwalay rito. "M-May grasa ka kasi sa pisngi kaya tinanggal ko," mabilis na sabi niya at gusto niyang kutusan ang sarili dahil nautal pa siya.

Ngumiti ito ng matamis. "Narumihan tuloy ang kamay mo." Napakasuyo ng tinig nito. "Hindi mo na dapat ako pinuntahan dito. Marurumihan ka lang dito eh. Pinatawag mo na lang sana ako sa isa sa mga kasamahan ko para ako na ang lumabas para puntahan ka."

"Ano ka ba, okay lang. Sanay naman ako dito sa talyer mo," nakangiting sabi niya.

Madalas naman niyang puntahan ito roon. At palaging naaabutang abala sa pag-aayos ng sasakyan.

Ngumiti ito ng matamis. "Ano nga pala'ng ginagawa mo rito? Kakagaling mo lang sa trabaho?"

Tumango siya. Naka-uniform pa siya. Nagpasya siyang puntahan si Akeem bago umuwi sa kanila. Madalas naman niyang gawin iyon, ang bisitahin ito ng hindi nito alam.

"Dumaan lang ako rito para kumustahin ang talyer mo," nakangiting sagot niya.

Tiningnan siya nito nang mataman. Para siyang matutunaw sa mga mata nito na nakangiti sa kanya.

"Kumustahin ang talyer o ang may-ari ng talyer?" naglalaro ang ngiting tanong nito.

Kunwari ay nag-isip siya. "Ano pa nga ba kung hindi ang kumustahin ang talyer," saka siya bumungisngis.

Sumimangot ito. Ang cute-cute nito kapag ginagawa iyon. Natawa siya sa hitsura nito.

"Ang mabuti pa doon na lang tayo sa opisina mag-usap. Mag-aayos lang ako sandali at ang dumi-dumi ko na," nakangiwing sabi nito.

"Okay lang 'yan. Gwapo ka pa rin naman kahit puno ng grasa ang katawan mo," natatawang sabi niya.

"Ano'ng gwapo?" nakasimangot na sabi nito. "Ang sabihin mo mukha akong taong grasa. Alam mo ikaw Demi..." unti-unti itong lumapit sa kanya. "Napakabolera mo talaga."

Hindi niya napaghandaan ang susunod nitog gagawin. Napatili na lang siya nang pisilin nito ang ilong niya. Pinanggigilan pa nitong pisilin iyon. Naamoy niya ang grasa sa kamay nito.

"Akeem ano ba, tama na!" saway niya rito.

Kaagad itong lumayo habang tinitingnan niya ito ng matalim. Hinawakan niya ang ilong at tiningnan ang kamay. Nalagyan ng grasa ang ilong niya.

"Nakakainis ka talaga!" asik niya rito.

Tumawa lang ito. "Ang cute-cute mo," pang-aasar pa nito. Ganoon sila madalas na mag-asaran.

Advertisement

"Akala ko ba ayaw mong marumihan ako. Eh ikaw mismo ang dinungisan ako," nakasimangot na sabi niya.

"Ang kulit-kulit mo kasi eh," natatawang sabi nito. "Ang mabuti pa, mauna ka na sa opisina. May banyo roon at maghugas ka. Ako naman ay mag-aayos muna doon sa kabilang banyo okay?"

Huminga siya ng malalim. "Okay. Hintayin kita roon."

Umalis na ito sa harap niya at nagpunta na siya sa opisina. Nasa dulong bahagi iyon ng kabuuan ng talyer. Sakto lang ang sukat ng opisina at madalas na naroon si Akeem kapag walang inaayos na mga sasakyan. Doon rin ito nagpapahinga.

Kaagad siyang nagpunta sa banyo at naghugas ng mga kamay. Inalis niya ang bahid ng grasa sa ilong niya. Nang matapos ay umupo siya sa tapat ng mesa ni Akeem.

Napangiti siya nang makita ang dalawang larawan sa mesa ng binata. Ang isa ay larawan ng pamilya nito. Alam naman niya kung gaano kamahal ni Akeem ang mga magulang. At ang isang larawan naman ay larawan nilang dalawa na kuha nang minsang magbakasyon sila sa isang beach sa Palawan. Kinuha niya iyon at hinaplos. Parehong may ngiti sa labi nila sa larawang iyon habang nakaakbay ito sa kanya. Palagi niyang nahihiling na sana ay palagi silang masaya ni Akeem.

Nasa ganoon siyang pag-iisip nang bumukas ang pinto. Nakita niya ang lalaking tanging nagbibigay ng saya sa buhay. At ang kaisa-isang lalaking hindi siya iniwan kahit kailan.

Nakangiti ito sa kanya. Nakasuot na ito ng pang-itaas na sando at napakaaliwalas ng mukha. Umupo ito sa kanyang harapan at kinuha ang larawang hawak niya.

"Ang saya-saya natin dito 'no?" nakangiting sabi nito habang nangingislap ang mga matang nakatingin sa larawan.

"Palagi naman tayong masaya," ganting sagot niya. "At walang dahilan para maging malungkot."

"Tama ka..." tumingin ito sa kanya at ibinalik ang larawan sa mesa. "Kapag ako ang kasama mo sinisiguro ko na palagi kang masaya. Ayokong nakikita kang malungkot kasi nalulungkot din ako."

"It was never a dull moment everytime I'm with you," masayang sambit niya. "Alam ko na sasamahan mo ako kahit ano'ng mangyari. Sa saya man o sa lungkot. At magiging ganoon rin ako sa'yo. Hindi ba ganoon naman ang magkaibigan? Nagdadamayan."

Magkaibigan. Isang napakalalim na salita para sa kanya. At magiging ganoon na lang sila ni Akeem habang buhay... magkaibigan. Dahil hindi niya alam kung hanggang saan siya dadalhin ng salitang iyon. Sa isiping iyon ay nakaramdam ng lungkot ang puso niya.

Ang pagkakaibigan nila ni Akeem ang pinakaiingat-ingatan niya. At kahit-kailan ay hindi niya kayang sirain iyon.

"Tama ka... nandito tayo para sa isa't-isa. Alam mo na bukod sa mga magulang ko, ikaw ang alam kong nandito palagi para sa akin."

"Siyempre naman... palagi akong nakasuporta sa'yo," masayang sambit niya. "Lalong-lalo na sa pangarap mong alam kong kayang-kaya mong tuparin."

"Isa lang naman ang pangarap ko para sa sarili ko... at iyon ay ang makapagpatayo ng auto company balang araw," nangangarap ang kislap sa mga mata nito.

"Wala namang imposible roon. Nagawa mo ngang ipatayo ang talyer na ito. Kaya hindi malayong matutupad mo rin ang pangarap mong iyan."

Alam niya ang pagsisikap na ginawa nito para lang magkaroon ng sariling negosyo. Humahanga siya sa binata dahil sa prinsipyo nito. Na sa kabila ng yaman ng pamilya nito ay gusto nitong huwag humingi ng tulong para maipatayo ang auto company na gusto nito. Sapat na para rito ang tulong ng magulang sa pagpapatayo ng talyer. At gusto ni Akeem na sa sariling pagsisikap matupad ang matagal na pinapangarap.

Naramdaman niya ang kamay nito na hinawakan ang isang kamay niya. Pinisil nito iyon at napakapayapa ng naramdaman niya. Nangingislap ang mga mata nito habang nakatingin sa kanya. Hindi niya kayang pigilan ang malakas na pagpintig ng puso niya.

Advertisement

"Salamat sa pagtitiwala mo sa kakayahan ko," masuyong sambit nito.

Gumanti siya ng pisil sa kamay nito. "Alam ko naman na kayang-kaya mong matupad iyon. Dahil alam ko na may pagsisikap ka. At ngayon pa lang ay proud na proud na ako sa'yo."

Hinuli pa nito ang isang kamay niya. Ngayon ay hawak na nito ang dalawang kamay niya. Kakaibang pagsuyo ang narararamdaman niya habang hawak-hawak siya.

"Nasabi ko na ba kung gaano ako kaswerte na naging kaibigan kita Demi?" masuyong sambit nito.

Gumanti siya ng matamis na ngiti. "You never failed to tell it to me every day," buong-suyong tugon niya.

"I'm so lucky to have you," masuyong sambit nito na ginantahan niya nang napakatamis na ngiti.

"OKAY ka lang ba Demi? May sakit ka ba?" Nag-aalala ang tinig na tanong ni Akeem sa kanya.

Binitawan niya ang kubyertos na hawak at sumandal sa upuan sa loob ng restaurant. Niyaya siyang mag-dinner ni Akeem roon.

Pilit siyang ngumiti. "Okay lang ako. Huwag mo akong pansinin Akeem. Kumain na tayo," pinasigla niya ang tinig at muling kinuha ang kubyertos at kumain.

"No, you're not okay," ang mariing tinig ni Akeem ang nagpatigil sa kanya sa akmang pagsubo ng steak.

Nag-angat siya ng tingin. Kunot ang noo nito pero bakas ang pag-aalala sa mukha. Kiniliti ang puso niya sa reaksyon nito.

"Sa tagal na nating magkasama ay kilalang-kilala kita Demi. Alam ko kung kailan ka masaya at lalong alam ko kung kailan may gumugulo sa isip mo." Tuluyan nitong binitawan ang hawak na mga kubyertos at tiningnan siya nang mataman. Kilalang-kilala talaga siya nito.

"May dinaramdam ka ba? May sakit ka ba?" sunud-sunod nitong tanong.

Umiling siya. "Wala akong sakit."

Nahigit niya ang hininga nang maramdaman ang kamay nito na ipinatong sa kanyang noo. Ano ba itong puso niya, 'di maawat sa mabilis na pagtibok.

"Wala ka namang lagnat," anito at muli siyang tiningnan. "Sabihin mo sa akin. May nangyari ba sa trabaho mo? May umaway ba sa'yo?" bahagyang tumaas ang tinig nito at lalong kumunot ang noo. Na parang hindi ito papayag na may umaway sa kanya.

Umiling siya. "Wala, okay lang talaga ako. Siguro pagod lang ako," tipid siyang ngumiti.

"Dapat kaagad mong sinabi sa akin. Para sana hindi na kita niyayang kumain dito at inihatid na lang kita sa bahay niyo," puno ng pag-aalala ang mga mata nitong malamlam. Nakaramdam ng pagsuyo ang puso niya.

"Hindi, okay lang sa akin na dinala mo ako rito," ngumiti siya rito.

"Sigurado ka ba? Kung gusto mo umuwi na tayo."

Umiling siya. "Dito muna tayo. Gusto ko kasing kasama ka para may makausap ako."

Ngumiti ito na nagpatunaw sa puso niya. "Okay. I'm here, I will always listen to you. Sabihin mo sa akin kung ano ang gumugulo sa'yo."

Huminga siya nang malalim at ipinatong ang mga kamay sa ibabaw ng mesa. Tiningnan niya ang binata.

"Nitong mga nakaraang araw pakiramdam ko palagi akong pagod dahil sa trabaho. At ang totoo niyan, nape-pressure na ako dahil hindi ko pa naaabot ang quota ko para sa buwan na ito. Sanay naman ako sa uri ng trabaho ko. Pero tao din naman ako at nakakaramdam ng pagod. Pati ang isip ko pakiramdam ko pagod na rin," malungkot na paliwanag niya.

Sa tagal niya sa trabaho ay ngayon lang siya nakaramdam ng matinding pagod at pressure.

"Gusto mo bang magpahinga muna sa trabaho? O kailangan mo ng bagong environment?" nag-aalalang tanong ng binata. "Kung napapagod ka, huwag mo nang ipagpilitan pa ang sarili mo dahil mas lalo ka lang mapapagod."

Tama ito. Matagal na rin naman siyang nagtrabaho sa kumpanya. Maanong bigyan niya ng panahon ang sarili para naman makapagpahinga siya.

"Gusto kong magbakasyon ng kahit isang buwan lang o mas matagal pa. Iyong tipong wala akong ibang iintindihin. Makakapagpahinga ako ng matagal."

Iyon ang gustung-gusto niyang gawin. Masyado na siyang toxic sa trabaho at tama si Akeem. She needed a new environment.

"Magre-resign ka na ba sa trabaho mo? Iyon ba ang ibig mong sabihin?"

Huminga siya ng malalim. Iyon ang pinag-iisipan niyang gawin, ang mag-resign. Gusto niyang magkaroon ng panahon para sa sarili.

Dahan-dahan siyang tumango. "Magpapahinga lang ako. Pagkatapos maghahanap ako ng bagong trabaho. Susulitin ko ang panahon at magbabakasyon ako ganoon."

"Saan ka naman magbabakasyon?"

"Gusto ko sa isang lugar na tahimik at makakapag-relax ako. Kahit saan basta mage-enjoy ako," pinasigla niya ang tinig.

"Sino naman ang kasama mong magbabakasyon?" mariing tanong naman nito. Kita niya ang pagsalubong ng mga kilay ng binata.

Kumunot ang kanyang noo. Kanina pa niya napapansin na tanong ito nang tanong sa kanya.

"Teka lang Akeem... bakit ba kanina ka pa tanong nang tanong?" 'di na siya nakatiis na sabihin.

Lalo lang nadagdagan ang pagkakakunot ng noo nito. "Bakit? Masama ba'ng magtanong?"

"Hindi naman," sagot niya. "Kaya lang kasi... 'di ba sinabi mo rin naman na huwag kong ipagpilitan ang sarili ko kung napapagod na ako? Pero bakit parang ayaw mo akong magbakasyon?"

"Hindi sa ayaw kong magbakasyon ka," mariin nitong sabi. "Gusto ko lang malaman kung sino ang kasama mong magbabakasyon," pinakadiin pa nito ang salitang sino. Parang alam na niya kung ano ang ipinupunto nito. "Mabuti nang alam ko kung ano ang mga plano mo. Bakit? Masama bang malaman kung saan pupunta ang kaibigan ko? O baka naman ayaw mong malaman ko dahil may kasama kang iba sa pagbabakasyon mo?" lintanya nito habang hindi maipinta ang mukha sa pagkakakunot-noo.

Hindi niya alam kung matatawa ba siya o ano sa hitsura nito. Pero aaminin niyang nakakataba ng puso ang ipinapakita nito sa kanya.

Sa huli ay hindi niya napigilan ang pagtawa. Pinanlakihan siya nito ng mga mata. Ang cute-cute talaga nito.

"Wala akong ibang kasama 'no," mabilis niyang sabi. "Ang pagre-resign ko ay para sa sarili ko dahil gusto kong magpahinga."

Nakita niya ang paghinga nito ng malalim na parang kumalma. Gusto tuloy niyang isipin na hindi ito papayag na may kasama siyang iba.

"Mabuti na ang nagkakaintindihan tayo." Ngumiti na ito sa kanya. "Basta kung anoman ang desisyon mo susuportahan kita. Kapag kailangan mo ng tulong nakahanda akong tulungan ka. Palagi mong tatandaan iyan."

Masuyong ngumiti siya. "Iyan ang hindi ko makakalimutan kahit-kailan."

Gumanti ito ng ngiti. Gustung-gusto niya na palaging nakangiti ito na aabot sa mga mata. Napakagandang tingnan.

"Sabihin mo sa akin kung kailan ka magbabakasyon ha?" malambing ang boses na sabi nito.

Nakangiting tumango siya. "Oo, at sasabihin ko rin sa'yo kung kailan ako magre-resign sa trabaho."

"Basta ipaalam mo sa akin kung ano ang nangyayari, okay?" bilin pa nito.

Para silang mag-girlfriend at boyfriend na nagpapaalam sa isa't-isa. Sinaway niya ang sarili sa isiping iyon. Palagi naman silang ganoon ng binata. Walang itinatago sa isa't-isa.

"Okay," mabilis niyang sagot.

"At kung gusto mo, ako na lang ang sasama sa'yo sa pagbabakasyon mo."

Mahina lang ang pagkakasabi nito ng mga salitang iyon pero malinaw na narinig niya ang mga iyon.

Tiningnan niya ito na nakatingin rin sa kanya. Napalunok siya sa kakaibang kislap sa mga mata nito. Muling tinambol ang dibdib niya ng malakas. Walang kaalam-alam si Akeem na ganoon kalakas ang epekto nito sa kanya.

"Ano nga ulit 'yung sinabi mo?" lakas-loob na tanong niya.

"Ha?" anitong iniiwas ang tingin. "Wala naman akong sinabi ha," kaila nito at kinuha ang baso sa mesa at nilagok ang tubig na laman no'n.

Natigilan siya. Nagkamali ba siya ng dinig? Pero malinaw na narinig niya ang sinabi nito. Muling tumingin siya rito at ngumiti lang ito sa kanya.

Inalis na lang niya sa isip ang narinig.

    people are reading<The Present Series 5: If Only (COMPLETED)>
      Close message
      Advertisement
      You may like
      You can access <East Tale> through any of the following apps you have installed
      5800Coins for Signup,580 Coins daily.
      Update the hottest novels in time! Subscribe to push to read! Accurate recommendation from massive library!
      2 Then Click【Add To Home Screen】
      1Click